Bayanihan
Filipinos
University of the Philippines
UP Shopping Center
Babangon ka, SC ๐ฑ
7:11:00 AMMarso 9, 2018
Ngayong araw, sobrang namiss ko ang UP Shopping Center. Ang laking pagbabago na hindi ko siya mapuntahan dahil sa sunog na sumiklab sa kanya kahapon. Halos parte ang SC ng araw-araw na schedule ko. Naiisip ko siya lagi kapag may kailangan akong bilhin o gawin. Kahit wala, dinadaan ko pa rin siya lagi pauwi.
Saan ako magpapa-photocopy? Pa-print? Pa-bind? Pa-laminate? Dadaan lang ako sa SC. Blessings, Jovits, YZA, atbp. Take your pick.
Ubos na ang ink ng printer. No problem. Pa-print natin sa computer shop sa SC.
Kailangan ko ng CD, USB, at iPhone cord for charger. Bili tayo sa computer shop sa SC.
Nagugutom na ako. Dadaan ako sa SC. Hmmm. Fruit shake sa Enriquez Roma and Charlie Fresh Fruit Shakes. Samahan ko na rin ng banana cue, fried lumpia, at FIC ice cream. Uy, may budget pa ako. Puwedeng kimbap sa Mashitta Korean and Japanese Cuisine. Mag-uwi na rin kaya ako ng balot?
Walang ulam sa bahay. Hindi nakapagluto. Daan tayo sa Rodics. Titingnan ko kung mayroong dinuguan, bopis, sinigang, kaldereta plus libreng sabaw. Minsan yung default na lang, "Tapsilog please."
Nahihilo na ako sa grado ng salamin ko. Papa-check up ako sa Acebedo mamaya bago umuwi.
Di na naman gumagana ng maayos yung relo ko. Dalhin natin sa gumagawa ng relo sa barber shop sa SC.
Di na naman gumagana ng maayos yung relo ko. Dalhin natin sa gumagawa ng relo sa barber shop sa SC.
Dumating na ang billing statements. Itakbo na yan sa Western Union.
May kasal na pupuntahan sa Sabado. Punta tayo sa SC para magpa-mani-pedi. Tapos pa-set ng buhok sa Sabado. Ora mismo!
Masyadong mahaba na yung pantalon ko. Dalhin natin sa tailor shop sa SC para maputulan. Puwede na rin mag-shop ng damit sa katabi.
Kulang pa ako sa school/office supplies. Mamili tayo sa D'Holy Book a.k.a. Gimiranda or G-miranda (?). Nakalimutan ko na spelling.
Kulang pa ako sa school/office supplies. Mamili tayo sa D'Holy Book a.k.a. Gimiranda or G-miranda (?). Nakalimutan ko na spelling.
Kailangan ko ng ID picture bukas. Pagawa tayo sa Florofoto. Hindi ko na nga lang 'to ginagawa noong mga nakaraang taon. Hindi ko na gusto mukha ko kapag nagpapagawa sa kanila eh. Haha!
Sira na ang bag ko. Pati ang payong. Sira na rin ang sandals ko. Dalhin natin sa shoe and bag repair shop sa SC. Pa-load o padala ka na rin ng pera sa Smart Padala. Hintayin mo lang kasi walang signal minsan.
May dysmenorrhea ako. Bili tayo ng Buscopan sa drugstore sa SC.
Wala pa akong panregalo. Mayroon niyan sa Handog.
Lumaki ako sa UP Campus mula lumipat kami noong 1995. Kaya naman malaking parte ng buhay ko ang SC mula pagkabata. Dati dinadayo pa namin siya sakay ng Ikot. Simula noong 1999, walking distance na lamang ang SC sa bahay na nilipatan namin.
Nakita ko kung paano ito nagsilbing "mall" sa unibersidad at sa komunidad namin. Nagbigay si SC ng mga trabaho sa mga taga-UP at taga-labas. Halos lahat na ata matatagpuan sa SC. Iba't-ibang tao ang makikita rito araw araw: guro, estudyante, bata, single professional, mag-asawa, pamilya...
Nakita ko kung paano ito nagsilbing "mall" sa unibersidad at sa komunidad namin. Nagbigay si SC ng mga trabaho sa mga taga-UP at taga-labas. Halos lahat na ata matatagpuan sa SC. Iba't-ibang tao ang makikita rito araw araw: guro, estudyante, bata, single professional, mag-asawa, pamilya...
Ang UP Shopping Center ay nagsilbi sa lahat.
Salamat sa lahat ng tulong at alaala, SC. Salamat dahil mula sa pagbili ng uniporme ng UPIS hanggang sa pagtatapos ko ng MA, nandiyan ka. Malaking bahagi ka ng buhay estudyante at buhay guro ko. Lalo na nung mga nakaraang taon na tinatapos ko ang graduate studies ko. Ikaw ang nag-print ng mga readings, thesis drafts, worksheets para sa mga estudyante, at kung anu ano pa. Ginawa mong hard bound ang limang kopya ng thesis ko noong Enero. Sayang hindi pa ako nakakabili ng sarili kong sablay sa Maroons para sa pagtatapos ngayong Hunyo. Sa tagal kitang kilala, nakakapagtaka na wala tayong litrato. Sa sobrang pamilyar ko sa'yo, kayang kitang lakaran kahit nagtetext ako o may kinakalikot ako sa bag. Hindi ako nabubunggo.
0 comments